Sunday, September 26, 2010

Maglalaho ba ang kahirapan sa rural kung magsisiksikan tayo sa urban?

Mula pa noong 1990 hanggang 2000, 52% ng populasyon ng mga naninirahan sa rural areas ang lumilipat sa urban areas partikular na sa Metro Manila upang takasan ang dinaranas na matinding kahirapan – ito ay ayon sa 2000 Census Data ng Commission on Population (POPCOM).

Kahirapan, ito ang pangunahing problema ng bawat Pilipino sa ating bansa at maging sa ibang bansa. Ito rin ang nagiging dahilan kung bakit marami sa atin ay isinisilang na hubad, nabubuhay na salat at namamatay na dilat. Kaya naman hindi nakapagtatakang marami sa mga Pinoy na naninirahan sa rural ang sabik mamuhay sa syudad sa pag-aakalang doon matatagpuan ang kasaganahan. Ngunit, maglalaho nga ba ang kahirapan sa rural kung magsisiksikan tayo sa urban?

Ayon sa masusing pag-aanalisa ng POPCOM, sa taong 2010, malaki ang posibilidad na umabot ang populasyon ng urban areas sa 56milyon o 60% ng pangkalahatang populasyon ng ating bansa.
Hindi nakapagtatakang isipin na maaring lumobo ang bilang ng mahihirap kasabay ng paglobo ng bilang ng populasyon. Dahil sa maagap na paglipat sa NCR ng mga residente ng rural areas partikular sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), lalong nababawasan ang bilang ng mga oportunidad at nadadagdagan naman ang bilang ng mga walang hanapbuhay kahit pa sila ay nasa syudad na.

Sa kabilang banda, mahigit 26% naman ng mga naninirahan sa Calabarzon ang nakatagpo ng kaginhawahan nang sila ay lumipat sa NCR. Kung ang 26% na iyon ay nakakuha ng trabaho at nagkaroon ng magandang buhay, ibig sabihin nito ay kasindami ng 26% na iyon ang orihinal na taga syudad ang napagkaitan ng kaginhawahan.
Kung susumahin ang bilang ng mga nalulugmok sa kahirapan sa parte ng NCR ay katumbas na ito ng pangkalahatang populasyon ng mga naninirahan sa Calabarzon – mayaman man o mahirap. Kaya naman hindi maiiwasang sumagi sa aking isipan ang katanungang maglalaho ba ang kahirapan sa rural kung magsisiksikan tayo sa urban?

Ayon pa rin sa POPCOM pito sa sampung taong may hanapbuhay ang mas gustong hanapin ang kabuhayan at pagkakakitaan sa urban kaysa sa kanilang kinalakihang rural. May mga nagsasabing urbanidad ang sagot sa kahirapang kanilang dinaranas. Sino nga ba ang mag-aakalang halos kalahati na pala ng populasyon sa urban ay mga taong lumipat mula sa rural na kanilang pinanggalingan.

Akin namang tatalakayin ngayon ang buhay ng mga indibidwal na ipinanganak na sa urban. Hindi ba sila nakararanas ng kahirapan para sabihin ng mga taga-rural na doon matatagpuan ang kasaganaan?

Sinasabi sa pag-aaral na isinagawa ng POPCOM, sa sampung mag-aaral na nakatapos ng kolehiyo sa urban, apat lang sa kanila ang nakakuha ng permanenteng trabaho habang dalawa naman ang may trabaho ngunit hindi permanente. Samantala, sa sampung mag-aaral na nakatapos lamang ng kolehiyo, isa lamang ang may permanenteng trabaho at isa naman ang may trabaho ngunit hindi prmanente. Kung isang milyon pala ang nakatapos ng kolehiyo, apat na daang libo lamang ang may trabaho at masasabi nating nakakakain tatlong beses sa isang araw at katumbas nito ay may anim na daang libo ang umaasa sa kamag-anak o kaya nama’y walang permanenteng trabaho upang makakakain tatlong beses sa isang araw.

Kung ganito ang sitwasyon sa urban, paano pa kaya ang mga nagbabalak lumipat sa urban? Ngunit, kung mananatili naman ang mga tao sa rural na manatili sa rural na alam nilang lalo silang malulugmok, lalo namang dadami ang bilang ng mga mahihirap na naninirahan sa ating bansa. Bilang resulta, lalong bababa ang ekonomiya ng Pilipinas.

Sa panig naman ng edukasyon, ayon pa rin sa POPCOM, siyam sa sampung taga-rural ang nagsasabing mas mahusay ang mga leksyon at kaguruan sa urban kaysa sa rural. Ang tanging tanong naman na pumasok sa aking isipan ay paano kaya nila iyon nasabi kung hindi pa naman nila nasusubukang mag-aral sa urban?
Kung ang mga nakapagtapos ng kolehiyo sa urban ay nahihirapang kumuha ng trabahong may kalidad, paano pa kaya ang mga taga-rural na lumipat lamang?

Sa patuloy na pagsusuri ng POPCOM, kung pagbabasehan ang uri ng tahanan para sukatin ang estado ng kahirapan, tatlo sa apat na taga-rural ang naninirahan sa sariling tahanan samantalang siyam sa sampung taga-urban ang may sariling bahay. Kabilang na doon ang barung-barong at iba pang sariling gawa o ipinatayong bahay. Ngunit hindi pa rin ito sapat para mapatunayang hindi na naghihirap ang mga taga-rural kung pipiliin nilang lumipat sa urban.

Sa kabilang banda, kung ating susumahin ang lahat ng impormasyon, marahil ay depende na rin sa tao ang kasagutan. Kahit pa lumipat ka sa urban at hindi ka naman nagsumikap, mananatili pa rin ang iyong kahirapan. Kaya naman, nasa bawat indibidwal na rin ang kasagutan kung mawawala ba ang kahirapan sa rural kung magsisiksikan tayo sa urban.

###

Sanggunian:
Osias, Tomas M., Commission on Population,
Filipinos on the Move: Who are they?
A Primer on Philippine migration Study
p.1-25

© 2014 KMLedda. All Rights Reserved.